2 ARAW NAWALA – Dalagang sapilitang isinakay sa van, natagpuang tuliro at sugatan

0
111

June 15, 2017 10:39pm

2 ARAW NAWALA -  Dalagang sapilitang isinakay sa van, natagpuang tuliro at sugatan

Natagpuang sugatan at tuliro sa Batangas ang isang 18-anyos na dalaga na dalawang araw nang nawawala. Kuwento ng biktima, Lunes nang tinutukan siya ng baril ng isang lalaki at sapilitang isinakay sa van.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA news “24 Oras,” sinabing sa bakanteng lote sa barangay Poblacion sa Sto. Tomas sa Batangas, ibinaba umano ang mga salarin biktimang itinago sa pangalang “Baby.”

Ayon sa kagawad na si Rex Gonzales, tuliro at halos ‘di makausap ang biktima nang kanilang makita.

Mayroon din daw itong mga sugat at galos sa katawan pero natuyo na ang mga dugo.

Isinugod nila ang biktima sa ospital kung saan siya pinuntahan ng mga pulis.

Sa salaysay ng biktima, naghihintay raw siya ng masasakyan noong Lunes sa isang mall sa Alabang nang biglang tutukan siya ng baril ng isang lalaki at sapilitang isinakay sa isang itim na van.

Hinala umano ng biktima, malapit lang sa Alabang ang pinagdalhan sa kaniya ng mga salarin.

“Ayon sa biktima medyo malapit lang dahil a few minutes away lang sa location, ‘yon ang pakiramdam niya,” ayon kay PC Insp Marlon Cabataña, deputy chief, Sto. Tomas Police.

Hindi na raw idinetalye ni Baby sa mga pulis kung ano ang nangyari pagkatapos nito pero ikinuwento niya na inutusan siya ng mga salarin na makipagkita sa isang lalaki kinabukasan para magdala ng isang package.

Matapos nito, saka na raw ibinaba si Baby sa Sto. Tomas.

Hinala ng pulisya, posibleng ginawang drug courier ang dalaga.

“Medyo magaan ang package. Meet up ang nangyari habang nakasunod ang isang lalaki sa kaniya,” ayon kay Cabataña. “”Hindi po inaalis ang anggulo na ganun but still were conducting in depth investigation.”

Sa pagsusuri naman ng ospital, wala raw indikasyong nagahasa ang biktima pero nagtamo raw ito ng matinding trauma.

Nagkataong na may kaanak si Baby sa Sto. Tomas kaya agad naipagbigay-alam sa kaniyang pamilya ang sinapit ng dalaga.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matunton ang suspek.– FRJ, GMA News

 

LEAVE A REPLY