Grade 6 pupil, hinatak at hinalay daw sa loob ng paaralan; suspek, mismong guwardiya

0
262

GMA, June 15, 2017 5:59pm

Grade 6 pupil, hinatak at hinalay daw sa loob ng paaralan; suspek, mismong guwardiya

Arestado ang bantay ng isang paaralan sa Santa Maria, Bulacan  matapos umanong gahasain ng ilang ulit ang isang grade 6 pupil na babae.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV’s “Balita Pilipinas” nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ernesto Poblete, 46-anyos, utility worker at guwardya sa eskwelahan.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, naglalakad ang biktima sa loob ng paaralan noong Lunes nang hatakin ng suspek sa isang silid-aralan at doon hinalay.

Nabisto ang kahalayan ng guwardiya nang dumating sa paaralan ang lolo ng biktima at makitang kandong ng suspek ang kaniyang apo na umiiyak.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang alegasyon at sinabing baka may galit lang sa kaniya ang nagrereklamo.

Ngunit batay sa resulta ng medico legal ng biktima, lumitaw na positibong ginalaw ang bata.

Kinumpirma rin ng biktima sa mga pulis na dalawang beses na raw siyang pinagsamantalahan ni Poblete.

Una raw nangyari ang pang-aabuso sa kaniya noong Abril sa Brigada-Eskwela.

Tinatakot din daw siya ng suspek na papatayin siya at ang kaniyang pamilya kapag nagsumbong.

Bukod sa suspek, plano rin ng pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang pamunuan ng paaralan dahil lumalabas na may dati nang criminal record si Poblete pero tinanggap pa rin sa trabaho.

Paliwanag naman ng principal ng paaralan, hindi nila alam na may criminal record ang suspek.

Handa naman daw ang paaralan na tumulong sa pamilya ng biktima. — FRJ, GMA News

 

LEAVE A REPLY